Nakakapanghinayang mawalan ng alagang baboy. Bukod sa malaking puhunan na inilaan mo sa pagbili ng iyong mga alaga meron ding gastos sa mga araw araw na pakain nito. Delikado ang pagkakasakit ng alagang baboy dahil mataas ang morbidity o antas ng kamatayan sa pagtatae ng mga ito. Kapag ito ay napabayaan ay tuluyan nang matutuyuan o made-dehydrate ang mga alaga na maaari nitong ikamatay.
Laging tandaan na sa unang senyales pa lang ng pagtatae, importanteng malaman agad kung ano ang sanhi nito para sa tama at mabilis na aksyon. Kung ikaw ay hindi sigurado at nagaalinangan, mahalagang basahin mo ito.
Mga Sintomas ng Pagtatae ng Baboy
Ang normal na dumi ng mga baboy ay matigas at buo. Malalaman mo na may mali at may sakit ang iyong mga alaga kapag basa ang kanilang dumi. May ibang baboy na sumusuka rin kapag sila ay may scour o pagtatae.
Dahil sa pagtatae ng mga alagang baboy, sila rin ay namamayat. Mapapansin mo na kahit kain ng kain ang mga alaga mo ay may mga mabubutong parte ito sa likuran. Tandaan: ang malusog na baboy ay bilugan ang pangangatawan.
Siyempre para sa mabilis na diagnosis, mas mabuting magtanong agad sa beterinaryo.
Mga Sanhi ng Pagtatae ng Baboy
Di Sapat na Colostrum o Gatas Mula sa Inang Baboy
Ang mga bagong panganak na baboy ay wala pang kakayahan na protektahan ang mga sarili laban sa mga delikadong virus at bacteria sa paligid nila. Kailangang makainom sila ng colostrum o unang gatas ng inang baboy. Kadalasan, dahil sa dami nila kapag ipinapanganak, may mga biik na hindi masyadong nakakalapit sa inahing baboy. Mainam na mabantayan sila sa oras ng pagkain.
Maagang Pagtigil sa Pag-inom ng Gatas ng Ina
Isa ring sanhi ng pagtatae ng baboy ay ang pagpapalit agad ng feeds ng wala pa sa oras. Katulad nga ng binanggit kanina, mahalaga ang gatas para magkaroon ng proteksyon sa tiyan ang mga baboy sa paglaki nila. Dahil sa kagustuhan ng ibang breeders na lumaki agad ang kanilang mga alaga, pinapakain nila ang mga ito ng feeds at hindi na pinapainom ng gatas.
Papalit-palit ng Klase Feeds
Di maiiwasan na may makitang bagong produkto na may pangako rin ng bagong benepisyo para sa inyong mga alaga. Tandaan: ang pagmamadali na baguhin ang pagkain ng mga alaga ay nakakasama sa kanila. Ito ay dahil nasanay na sila sa isang brand ng pagkain. Kapag biglang binago o pinalitan ang kanilang pagkain, nagkakaroon ng iba’t ibang reaksyon ang tiyan. Naninibago ang tiyan kaya hindi natutunawan ng tama ang mga alagang baboy.
Mga Kalat sa Paligid
Kapag maraming kalat sa kulungan ng baboy o maraming nakaimbak sa paligid, malaki ang posibilidad na maka-kain ang mga alaga ng mga bagay na makasasama sa kanila tulad ng bato, kahoy , mga papel o mas malala, mga plastic. Nagiging sanhi ito upang masugat ang lining ng bituka ng mga baboy. May mga ibang baboy rin na nabibilaukan at namamatay.
Uod at Virus
Ang Whipworm o uod ay isa sa mga dahilan ng pagtatae ng baboy. Ang mga uod ay nagiging dahilan upang mamaga ang malaking bituka ng mga baboy. Dahil sa pamamaga ay nagiging basa ang mga dumi ng mga alagang baboy. Maaaring tumagal ang pagtatae ng tatlo hanggang pitong linggo.
Sa kabilang banda naman, ang virus tulad ng TGE (Transmissible Gastro Enthiritis) ay nakukuha sa dumi ng mga infected na baboy. May mga ibon din na maaaring maglipat ng mga infected na dumi mula sa isang farm papunta sa ibang lugar. Ito ay maaaring pumasok at tumagal sa katawan ng baboy ng isa hanggang dalawang araw bago lumabas ang sintomas sa mga alaga. Pagkatapos ng dalawang araw ay maaring makaramdam na ang alagang baboy ng pagkabalisa at pagtatae.
Lunas sa Pagtatae ng Baboy
Tamang Pagkain ng Baboy
Mas maiging sakto ang kinakain ng ating mga alaga. Hindi pwedeng labis at hindi rin puwedeng kulang. Tandaan ang mga ito kapag kayo ay nagaalaga ng mga baboy:
Paano pakainin ang mga biik?
Para sa mga biik, importante na tama ang dami ng pagkain o feeds. Puwedeng bigyan ng feeds ang mga biik pagkatapos ng tatlo hanggang pitong araw mula nang sila ay maipanganak. Magandang bigyan pa rin sila ng gatas habang sila ay bata pa para mas protektado sila. Tantiyahing maigi ang pagkain nila. Huwag silang biglain dahil manipis pa ang kanilang mga bituka.
Ano ang tamang dami ng pagkain ng mga nakakatandang baboy?
Sa mga normal na laki ng baboy, mainam na pakainin sila sa tamang oras. Pakainin sila ng hindi lalagpas sa dalawa’t kalahating kilo para hindi sila ma-empacho at magtae. Siguraduhing tama lang ang pakain sa kanila upang hindi mapuno ng taba ang mga katawan nila.
Huwag biglain ang pagpapalit ng feeds.
Dahan-dahanin ang pagpapalit ng pagkain ng inyong mga alaga. Sa unang araw, maaaring mas kaunting parte ng bagong feeds at mas marami pa ring parte ng lumang feeds ang ibibigay sa alagang baboy. Kinabukasan kalahati na ng bago at kalahati na ng lumang feeds ang magiging pagkain nila. Sa susunod na araw, maaring mas kaunti na ang lumang feeds kaysa sa bagong feeds na ibibigay sa inyong mga alaga. Hanggang sa dumating sa tamang araw na ang iyong bagong brand na lang ng pagkain ang ibibigay sa iyong mga alaga.
Malinis na Kulungan
Tuyong Lugar kung Saan Sila Nananatili
Panatilihing tuyo ang lugar ng iyong mga alagang baboy. Kailangang tama ang ventilation at walang contamination ang lugar. Mas mainam na sa umaga gawin ang wet-cleaning ng higaan ng mga alagang baboy. Kailangang maglaan ng oras para matuyo ang higaan nila dahil mas kumakapit ang virus sa basang lugar.
Tamang Paglilinis ng Kulungan
Bukod sa dapat ay umaga ginagawa ang paglilinis ng kulungan, importante din na mabilis ang pagdaloy ng tubig mula sa iyong hose. Makakatulong ito para mabilis na matanggal ang mga dumi ng inyong alagang baboy. Mas mainam din na mainit ang gamiting tubig para mamatay ang mga bacteria at virus.
Tamang Espasyo at Bentilasyon
Maglaan lamang ng saktong espasyo para maging komportable ang mga alaga. Ang sobrang luwag na kulungan ay hindi rin maganda sapagkat maaari rin itong maging sanhi ng pagiging sobrang aktibo ng mga baboy na maaari nilang ikapayat. Kapag sobrang sikip naman ay maari na nilang makain ang dumi ng mga kasama. Hindi ito maganda dahil pwede itong maging dahilan ng pagka agresibo ng mga baboy. Kapag stressed o overactive ang isang hayop, nagiging sanhi ito ng lalo nilang pagdumi.
Pagpupurga Para Maiwasan ang Pagtatae
Purgahin ang mga baboy para mawala ang mga uod sa kanilang bituka. Dahil kapag kumapit ang mga bulate o uod sa lining ng bituka ng inyong mga alaga, nasusugat at nabubutas ang bituka. Isang bagay na maaaring magdulot ng sakit sa alagang baboy.
Produktong Maasahan sa Pagpurga
Ang Latigo-1000 mula sa UNAHCO ay mabisang pampurga na ginawa para sa mga alagang baboy. Ito ay may Levamisole, isang active ingredient na mabisang sumusugpo sa pito sa mga uod na madalas nakikita sa babuyan, kambingan at manukan. Ang Latigo-1000 ay pwedeng mabili bilang isang tableta at water soluble na format.
Gamot para sa pagtatae ng baboy
Mula pa rin sa UNAHCO, ang Apralyte ay epektibong solusyon para sa sa pagtatae ng baboy. Ito ay isang anti-scouring antibiotic na may 4 gut-active formula: Apramycin, Attapulgite, Electrolytes at Glycine-Glucose. Layunin nitong tumulong sa pagtigil ng sobrang pagdumi. Mabibili ito ng nakapack bilang soluble powder.
Para sa karagdagang katanungan tungkol sa pagtatae ng iyong alagang baboy, kumunsulta sa iyong pinagkakatiwalaang beterinaryo. Pwedeng ring pumunta sa UNAHCO website para sa iba pang kaalaman tungkol sa kalusugan ng mga alagang baboy.
References:
Piglet diarrhoea and anaemia: diagnosis in the farrowing unit (ceva.com)
https://agrilifeextension.tamu.edu/library/ranching/diarrheal-disease-in-show-swine/